Magtanong tayo para umangat

By Rey Angeles

Alam n’yo ba kung ano ang isang ugali na kayang magpabago ng career natin… at ng ating buhay?

Hindi ito pagiging matalino.
Hindi ito pagiging masipag lang.
Hindi rin ito pagiging loyal lang.

Ito ay ang kakayahang MAGTANONG.

Sa bahay, sinabihan tayo na huwag makulit.
Sa eskwela, sinanay tayong sumagot.
Sa trabaho, sinanay tayong makinig at sumunod.

At napansin ba ninyo?
Madalas may sagot na tayo — kahit wala pa tayong malinaw na tanong.

May solusyon na tayo, kahit na hindi pa natin natatanong:
“Ano nga ba ang facts sa situwasyon na ito?” “Ano ba talaga ang problema?”

Sa loob ng maraming taon sa negosyo, may isang bagay akong napansin:

Ang mga taong umaangat — supervisor, manager, executive —
hindi lang sila magaling sumagot.

Mas magaling silang magtanong.

Ang rank and file nagtatanong:
“Ano po ang gagawin ko?”

Ang supervisor nagtatanong:
“Paano natin ito mapapabilis?”

Ang manager nagtatanong:
“Bakit natin ito ginagawa sa ganitong paraan?”

Ang executive nagtatanong:
“Ano ba talaga ang problemang dapat nating solusyonan?”

Ang leader nagtatanong:
“Ano ang mangyayari kung hindi natin ito aayusin ngayon?”

At ang tunay na mahusay, laging nagtatanong:
“Ano ang layunin ng gagawin natin?”

Habang tumataas ang kalidad ng tanong mo, tumataas din ang kakayahan mo…at ang halaga mo sa organisasyon.

Kapag hindi tayo nagtatanong:
Paulit-ulit ang mali.
Mabagal ang trabaho.
May nasasayang na oras at pera.
At ang problema, huli nang nadedetect.

Pero kapag nagtatanong tayo ng:

✔ “Ano ang goal natin?”
✔ “Is there anything better?”
✔ “Ano ang pwedeng magkamali dito?”
✔ “Ano ang priority?”
✔ “Ano ang matututunan ko dito?”

Nagsisimula tayong mag-isip tulad ng:
Planner.
Decision-maker.
Problem-solver.
Leader.
Tagapaglikha ng sariling destiny.

Hindi aksidente na ang ating Enculturation ay puro TANONG:

PROBLEMA – Ano ang tunay na problema?
AMBISYON – Ano ang gusto nating mangyari?
BISYON – Paano tayo makakarating doon?
SAKRIPISYON – Ano ang kailangan nating ibigay?
KOMISYON – Ano ang gantimpala?

At ang ating mantra:

“Is there anything better?”
“Can we do it any better?”
“What is the purpose of doing business?”

Ang mga ito ay hindi lamang salita.
Ito ay paraan ng pag-iisip.
At ang paraan ng pag-iisip ang nagtatakda ng ating direksyon.

Simula ngayon, huwag lang tayong magtrabaho.

Magtanong tayo.
Matuto tayo.
Mag-improve tayo.

Dahil ang taong walang tanong
nabubuhay ayon sa nakasanayan.

Pero ang taong marunong magtanong
nabubuhay ayon sa kanyang pinipiling kinabukasan.

At sana magaling, maayos at malinaw tayong magtanong – di paligoy-ligoy at magulo.

Kung tama ang ating mga tanong,
masisiguro nating tama rin ang ating direksyon.

At iyan ang susi sa pag-sustain ng ating energy,
pagpapalalim ng curiosity,
at tuloy-tuloy na pag-angat bilang tao at bilang organisasyon.